Ebanghelyo: Mateo 7:1-5
Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata.
Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika, at aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ kung may troso naman sa iyong mata? Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
Pagninilay
Bakit madaling punahin ang kamalian ng iba? Bakit madali nating husgahan ang iba? Madalas natin itong gawin upang maitago ang sarili nating mga kakulangan at kamalian. Mas madaling ituro ang daliri upang sisihin ang iba kaysa humarap sa salamin ng ating konsensya upang makita ang sarili nating kasalanan. Ang paninisi at paghusga sa iba ay nagpapakita ng ating takot na harapin ang sarili at takasan ang hamon ng pagbabago. Ang pagtanggap at pakikisama ni Jesus sa mga makasalanan ay nagpapakita sa atin na hindi tayo dapat matakot na harapin ang ating sarili at tanggapin ang ating kasalanan at kahinaan. Hindi hinusgahan ni Jesus ang mga makasalanan. Maraming beses sa Ebanghelyo na puno ng pagmamahal at habag na tinitingnan ni Jesus ang mga makasalanan. Dahil dito’y nabigyang pagkakataon ang tao na magsisi at magbago. Nawa’y gamitin natin ang ating mga mata hindi upang punahin at husgahan ang iba, kundi upang tingnan ang kabutihan ng ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023