Ebanghelyo: Lucas 9:51-62
Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta siya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa langit para puksain sila?” Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, at sa ibang bayan sila nagpunta.
Habang naglalakad sila, may nagsabi kay Jesus: “Susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “May lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon; ang Anak ng Tao nama’y wala man lang mahiligan ng kanyang ulo.” At sinabi naman niya sa isa: “Sumunod ka sa akin.” Sumagot naman ito: “Pauwiin mo ako para mailibing ko muna ang aking ama.” Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus: “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay; humayo ka naman at ipangaral ang kaharian ng Diyos.” Sinabi naman ng isa pa: “Susunod ako sa iyo, Panginoon pero pauwiin mo muna ako para makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Hindi bagay sa kaharian ng Diyos ang humahawak ng araro at pagkatapos ay lumilingon sa likuran.”
Pagninilay
Ang paanyayang sumunod kay Jesus at magtaguyod ng Kanyang kaharian ay isang tawag sa KALAYAAN. Mapapansin sa ebanghelyo na ang pahinga, mga magulang at pati ang patay ay hindi maaring humadlang sa pagtugon. Sa unang bahagi ng salaysay, hindi rin hinayaan ni Jesus na ang pagtanggi sa Kanya ng mga Samaritano ay makaantala sa Kanyang misyon kaya’t sa ibang bayan sila nagpunta.
Malayang pagtugon din ni Eliseo ang kailangan kaya’t hinayaan siya ni Propeta Elias na asikasuhin ang tatalikuran niyang buhay upang ganap niyang mapaglingkuran ang tumawag sa kanya.
Kalayaan din ang kailangan para matupad natin ang ating misyon sa buhay. Nagmimistulang panlupa lamang tayo kung ang ating oras at lakas ay nauubos sa paghahanapbuhay at hindi na natin isinaalangalang ang kabilang buhay. Kaya naman paulit-ulit lang ang ating mga pagkabigo. Wala tayong maaring maging tagumpay na magdudulot ng lubos na kasiyahan. Sa simula’y mainam ngunit tiyak na lilipas at matatapos.
Matutunghayan natin sa Ikalawang Pagbasa ang tunay nating pakay sa buhay: ang paglilingkod sa isa’t isa bunga ng pag-ibig. May negosyante kayang pangkalahatang kabutihan ang hangad higit sa pansariling pakinabang? Maituturing nating bayani ang mga naglilingkod na hindi ginhawa at pagyaman ang layunin sa pagtratrabaho. Kinikilala nating banal ang mga taong kaya at handang ipagpaliban o ipaubaya ang sariling pag-asenso kung ang kapalit ay katapatan sa Diyos. Natagpuan na ng mga mananampalatayang ito ang “kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Romans 8:21
© Copyright Pang Araw-Araw 2022