Ebanghelyo: Mt 7: 6, 12-14
Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta. Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapariwaraan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ang pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.
Pagninilay
“Gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo.” Ito ang tinatawag nating “golden rule”. Ang ating sarili mismo ang pamantayan ng ating pakikitungo sa kapwa. Tunay nga na wala tayong hangad para sa ating sarili kundi ang kabutihan, kasiyahan, kapayapaan, masaganang pamumuhay at pangangatawan, at matagumpay na buhay. Hindi natin kailan man nanaisin na masaktan, maghirap o maloko. Kaya kung ito ang gusto nating mangyari sa ating sarili, marapat lang na ito rin ang gagawin natin sa iba. Sabi nga, “Dapat matuto tayong sumuot nang sapatos ng iba.” Kung pakikinggan natin ang kaibuturan ng ating puso at maging mapagmasid sa mga nangyayari sa paligid, magiging mulat din tayo sa mga pangangailangan at damdamin ng ating kapwa. Ang saligan nito ay simple lang: “Tratuhin ang iba sa parehong paraan na gusto nating tratuhin.” Mukhang madaling sundin, ngunit napakalaking hamon. Simulan sa pamamagitan ng pagusisa sa ating sarili. Ano ba ang nais at hindi natin gusto para sa sarili natin na ginagawa at hindi natin ginagawa sa iba. Alin ang mas nakalalamang?
© Copyright Bible Diary 2024