Ebanghelyo: Mateo 7:21-29
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. Sa araw na iyon, marami ang magsasabing: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’ “Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!” Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.
Pagninilay
Sa ebanghelyo pinapaalala na hindi lahat ng tumatawag sa Panginoon ay makapapasok sa kaharian ng langit, maliban kung tayo ay sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ang pagkakilanlan at ugnayan natin sa Diyos ay napakahalaga sa buhay natin bilang mananampalataya. Nakabukas ang pinto ng langit sa sinumang nakikinig at nagsasabuhay ng kanyang kalooban. Kung hindi natin hahangarin na patatagin ang ugnayan natin sa Diyos – sa pamamagitan ng pagninilay sa Mabuting Balita, pagiging bukas-palad, pag-iwas sa tukso at pagbabahagi sa Kristiyanong komunidad – ang lahat ay mupupunta lamang sa wala. Tila isang bahay na itinayo sa buhangin, na kapag inabot ng tubig ay kagyat na guguho. Nawa’y ang ebanghelyo ay magturo sa atin sa daan upang mapalalim at mapagtibay natin ang pakikipag-ugnayan natin sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020