Ebanghelyo: Lucas 1:57-66, 80
Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan niya kung gaano nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya ngang talaga ang kamay ng Panginoon. Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.
Pagninilay
Ang pagkasilang ni Juan Bautista ay isang napakagandang regalo na ibinigay ng Diyos hindi lamang kina Zecarias at Elisabet maging sa sanlibutan. Ang kanyang pagkasilang ay tanda ng tuwa ng kanyang mga magulang dahil sa mahabang panahon ay hindi sila biniyayaan ng anak. Nang panahong iyon, itinuturing ito ng mga tao na tila isang sumpa o kamalasan. Ang pagdating ni Juan sa buhay ng kanyang mga magulang ay nakapagbigay sa kanila ng panibagong pag-asa dahil naalala sila ng Diyos. Ito man ay tila imposible sa mata ng nakararami, ngunit walang imposible para sa Diyos. Ang pagpapala ng Diyos ay walang pinipiling edad o katatayuan sa buhay. Sino mang tumawag sa Diyos ay kanyang tutulungan at hindi mabibigo. Ang Diyos lamang ang may kakayahang gumawa ng mga bagay na kahit sa maliit nating pang-unawa ay mahirap maabot. Walang imposible sa pag-ibig ng Diyos at ito’y pinatunayan sa pagsilang ni Juan, ang maghahanda sa pagdating ng Panginoong Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020