Ebanghelyo: Mateo 7:21-29
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. Sa araw na iyon, marami ang magsasabing: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’
Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan! Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.
Pagninilay
“Kung ang alam mo ay isinasabuhay mo, tunay ka ngang pinagpala.” Salmo 118 (119):97-100
Ang tagpo sa Lumang Tipan na ating natunghayan sa Unang Pagbasa ay bunga ng hindi pagsasabuhay ng tipan kay Yawe. Ang bayang Israel ay nagmistulang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin na humantong sa kanyang kapahamakan. Salamat na lamang at hindi dito nagtapos ang kasaysayan. Paulit-ulit na niyaya ni Yawe ang Kanyang bayang hinirang na bumalik sa piling Niya.
Naranasan ko ang ganitong pagkalugmok na akala ko’y hindi na malulutasan. Palagi akong takot na mapagbintangang may “particular friendship”, umiwas akong makipagkwentuhan dahil baka masangkot sa “grupo-grupo” o “tribe-tribe”. Nguni’t sa tamang panahon ay pinalaya ako ni Jesus. Sinimulan sa aming Community ang kultura ng “no judgment”. Laking tuwa ko sa gaan ng pakiramdam na nagsimulang sumibol sa puso ko. Nawala ang takot kong magkamali dahil hindi naman ako hahatulan. Naglakas-loob akong bumangon at magsikap muli dahil dama ko ang suporta at pang-unawa ng mga nasa paligid ko. Maginhawang gumalaw sapagkat malawak ang puwang na likha ng pagtanggap sa isa’t isa na walang pasubali.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022