Ebanghelyo: Mateo 7:6, 12-14
Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta. Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapariwaraan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ang pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.
Pagninilay
Ang unang bahagi ng ebanghelyo ay nagbibigay sa atin ng babala. Ginamit niya ang aso at baboy bilang simbolismo sa mga masasamang gawain. Hindi natin dapat gawing masama ang dapat na mabuti, dahil sa huli tayo rin naman ang mahihirapan. Kung nais nating makatanggap ng kabutihan, kabutihan din ang nararapat nating ibigay. Nasusulat na mas marami ang pumupunta sa kapariwaraan kaysa sa buhay. Dahil mas marami ang piniling tumalikod sa landas ng kabutihan. Tayo mismo ang pipili ng ating nais kahantungan sa bandang huli. Kung mas pinili natin ang makipot na daan na mayroong ibat-ibang balakid, hindi tayo dapat mag-alala dahil ang kabutihan ang magsisilbing gabay natin upang tahakin ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020