Ebanghelyo: Mateo 7:1-5
Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika, at aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ kung may troso naman sa iyong mata? Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
Pagninilay
Sa panahon ngayon parang ang dali na lang humusga ng kapwa. Nang dahil sa presensya ng social media, madalas nating nababasa ay mga panghuhusga sa kapwa at kokonti lamang ang mga pumupuri sa kabutihan o pag-angat ng iba. Sa pagtutuon ng pansin sa pagkukulang ng iba, tingnan muna natin kung ang ating sarili kung wala ba tayong mga kamalian o kahinaan. Wala namang perpektong tao sa mundo, kaya tayong lahat ay walang karapatang humusga sa kapwa. Hindi tayo hinuhusguhan ng Diyos sa ating mga kakulangan kahit nakagagawa pa tayo ng malalaking kasalanan sa kanya. Ang laging tugon sa atin ng Diyos ay habag at pagpapatawad. Mahalin natin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili, dahil kung mahal natin ang ating sarili, walang dahilan humusga tayo sa iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020