Ebanghelyo: Mateo 10:26-33
Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.
Pagninilay
Naranasan nating lahat ang umibig at suklian ng pag-ibig. Masarap sa pakiramdam na may minamahal tayo at nagmamahal sa atin. Sa lahat ng uri ng pag-ibig, ang pag-ibig ng Diyos ay walang kapantay. Hindi nga ba’t ipinadala niya ang kanyang bugtong na anak upang maghatid sa atin ng kaligtasan? Isang pagpapamalas ng kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Kung hindi natin ramdam na iniibig tayo ng Diyos, hindi rin natin matutunan siyang ibigin. At kung iniibig natin ang Diyos, kikilalanin natin siya bilang ang ating Ama na nasa Langit. Kaya mahalaga ang malalim na pananampalataya sa pagpapamalas ng ating pag-ibig sa Diyos. Si Jesus ang tanging daan natin sa Diyos. Kung kilala natin si Jesus, makikilala rin natin ang Ama. Taglay niya ang pag-ibig na hindi kumukupas, ang pag-ibig na hindi naninibugho, ang pagibig na hindi naghihintay ng anumang kapalit at anumang kondisyon. Ang sarap umibig sa taong mahal na mahal natin. Ang sarap umibig sa Diyos na mahal na mahal tayo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020