Ebanghelyo: Mateo 11:25-30
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak. Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay
Ipinapakikita sa atin ang pagbubukas ng Diyos ng kanyang pintuan sa mga mahihina. Kung titingnan ang reyalidad ng mundo, maaari nating maitanong kung bakit sa mga taong ito ipinapaalam ang mga ganitong bagay gayong mas maaari pa itong maarok ng mga matatalino? Tatlong punto ang maaari nating itugon: Una, ang mga mahihina ay bukas sa mga ipagkakaloob sa kanila. Sa kanilang kahinaan, tanging sa Diyos lamang sila umaasa. Ikalawa, ang mga mahihina ay may ugali ng pagiging mababang-loob. Kahit patuloy na natatapakan ay buong kababaan nilang tinatanggap ang mga kaakibat nitong pasakit kaya nagigi silang kalugod-lugod sa mata ng Diyos. Kaya naman ang Diyos ang nagsisilbi nilang tagapagtanggol. Ikatlo, naroon ang alab ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang mga mahihina ay naniniwala na hindi sila pababayaan ng Diyos. Ninais ng Diyos na ibigay sa mahihina ang pagkakataong ito hindi upang hiyain ang mga matatalino. Sa pagitan ng mahihina at malakas, bukas ang Diyos sa pagtanggap sa mga taong nagnanais na tumugon sa kanyang panawagan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020