Ebanghelyo: Mateo 6:7-15
Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya, ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama. Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.
Pagninilay
Sinabi ni Jesus sa ebanghelyo na batid na ng Ama ang mga pangangailangan natin bago pa man natin ito hingin sa kanya. Tinuruan tayo ni Jesus kung papaano manalangin sa Ama ngunit lubusan ba nating naiintindihan ang kahulugan ng dasal na ito? Ang pananalangin ay isang paraan upang maipahayag natin ang saloobin o pasasalamat natin sa Diyos. Ito ay mabisang paraan ng pakikipagugnayan sa Amang nasa langit. Bagamat alam na ng Diyos ang nilalaman ng puso natin, naghihintay pa rin siya na lumapit tayo sa kanya. Nawa’y huwag tayong matakot na lumapit sa Diyos sapagkat tayo ay kanyang papakinggan. Sa pagdulog natin sa Diyos, matuto rin sana tayong maghintay at makinig sa kanyang tugon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020