Ebanghelyo: Mateo 6:19-23
Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo nawa na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.
Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!
Pagninilay
Kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.” Mt 6:21
Maraming mga pelikula ang nagsasadula ng mga pangyayari sa totoong buhay kung saan napabayaan ng bida ang kanyang anak o ang buo niyang pamilya dahil sa paghahabol ng magandang kinabukasan. Malinaw sa isip niya na ang kanyang pagsisikap ay para sa ikabubuti ng kanyang pamilya. Malungkot ang karaniwang katapusan ng ganitong kwento sapagkat mahirap nang bumawi sa ugnayang napabayaan, nawasak at nawala.
Ang kwento ng Unang Pagbasa ay hindi naiiba sa malungkot at madugong drama. Si Atalia ay ganid sa kapangyarihan kayat nagawa niyang pumatay ng isang buong lahi. Ngunit ang sinumang gumamit ng karahasan ay sa dahas din magtatapos.
Nakakasilaw kasi ang mga kaningningang pinang-aakit ng mundo: yaman, kapangyarihan at katanyagan. Marupok ang tao sa harap ng ganitong tukso. Kayat ganoon na lang ang paalala ni Jesus sa ebanghelyo na huwag sa lupa mag-ipon ng kayamanan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022