Ebanghelyo: Mateo 6:1-6, 16-18
Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustunggusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nagaayuno para pakitang-tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagninilay
Nais ng lahat ng tao na magantimpalaan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit gumagawa tayo ng mabuti para sa Diyos at para sa kapwa. Ang ebanghelyo ay nagbigay ng babala sa lahat na huwag gayahin ang mga taong mapagkunwari. Mga taong hindi totoo sa pagggawa ng mabuti para sa Diyos, sa sarili at sa kanilang kapwa. Ang pagkukunwari ay dahilan kung bakit hindi tayo nakakatanggap ng biyaya mula sa Diyos. Sa ebanghelyo inilalahad ang mga gawaing mabuti na ginagantimpalaan at kalugod-lugod sa Diyos. Kung nais nating makatangap ng biyaya mula sa kanya ay iwasan natin na maging pakitang-tao lamang. Gawin ito ng hindi pinagsisigawan pa sa mundo sapagkat ang Diyos Amang nakakita ng lihim ay siyang magbibigay ng grasya at gantimpala sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020