Ebanghelyo: Mateo 6:7-15
Pagmananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi.
Kaya, ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa arawaraw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin.
Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama.
Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.
Pagninilay
Napakadakila ng katauhan ni Propeta Elias! Masasabi nating siya ang katuparan ng itinuturo ni Jesus sa ating ebanghelyo ngayon ukol sa tamang pananalangin. Tulad ng lahat ng mga propeta, pakikinig at hindi salita ang pakikipagpalitan nila ng saloobin kung humaharap sa Diyos. Kaya naman sa Unang Pagbasa, inilatag ang katangian ni San Elias na parang hindi mapapantayan ninuman sa Lumang Tipan, “kagila-gilalas ang iyong mga kababalaghan! Sino ang makapagmamalaki na siya’y katulad mo?” Sir 48:4
Hindi sa salita kundi sa saloobin ng nananalangin nakabatay ang katotohanan at saysay ng panalangin. Kaya’t binigyan tayo ni Jesus ng huwaran ng panalangin. Ang tunay na nilalaman ng panalanging “Ama Namin” ay ang lubos na pagpipitagan ni Jesus sa Diyos Ama, ang wagas na pagmamahal Niya bilang Anak, ang ganap na pagpapaubaya ng sarili sa pangangalaga Niya at ang tamang asal sa pakikitungo sa Diyos at sa kapwa. “Magpatawad ka upang ikaw ay patawarin.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2022