Ebanghelyo: Mateo 5:43-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba‘t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba‘t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway. Sa unang dinig, tila isa itong malaking kahibangan. Ngunit bilang mga kristiyano, ito mismo ang nais ipabatid sa atin ng Panginoon. Nais niyang maging tagapagdala tayo ng kapayapaan, kagalakan at pagmamahal sa buong mundo. Kasama na rito ang ating mga kaaway. Bilang mga kristiyano, misyon natin na akayin ang mga nawawala sa landas ng buhay at hanguin yaong nasasadlak sa kasamaan. Ito ang paraan ng pagsasabuhay ng pagmamahal at awa ng Diyos. Narinig natin na pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti at pinapapatak niya ang ulan sa kapwamakatarungan at di makatarungan. Tunay na walang hanggan ang kanyang awa at paghahandog ng pangalawang pagkakataon sa bawat makasalanan. Kaya kung ang Diyos nga ay nagpapatawad, sino tayo upang ipagkait ito sa kapwa?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020