Ebanghelyo: Mateo 5:38-42
Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.
Pagninilay
Paano nga ba maging isang tunay na kristiyano? Ano ba ang pamantayan ng pagiging isang kristiyano? Ang sampung utos na binigay sa atin ay ibinuod pa sa dalawa upang lubos nating maunawaan. Una ay mahalin natin ang Diyos ng buong puso, isip at kaluluwa at pangalawa ay mahalin natin ang kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Narinig natin sa ebanghelyo na dati itinuturo na labanan natin ng “mata sa mata at ngipin sa ngipin” ang sinumang sumasalungat sa atin. Hindi na ito ang turo ni Jesus. Nais ni Jesus na matutunan nating magpakumbaba sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabutihan sa sinumang nagkakamali sa atin. Ito ang hamon na utos sa atin bilang mga kristiyano, ito ang tatak ng pagiging isang tunay na kristiyano.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020