Ebanghelyo: Juan 6:51-58
Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo. Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw. Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.”
Pagninilay
“Ako ang tinapay ng buhay na pumanaog sa langit”, wika ni Jesus. Isang rebelasyon na hindi matanggap ng mga nakarinig sa kanya. Una, para sa kanila si Jesus ay isang tao lamang at kilala nila ang kanyang ama at ina. Hindi nila nababatid na si Jesus ang ipinadala ng Ama para sa sanlibutan. Mahirap unawain ang winika ni Jesus, ngunit ito ang katotohanan… sino man ang hindi kumain ng kanyang laman at uminom ng kanyang dugo ay hindi magkakaroon ng buhay sa kanyang sarili. Si Jesus ay ang buhay, ang sinumang magsasabuhay ng kanyang mga turo ay magkakaroon ng buhay na may kabuluhan. Sa Eukaristiya nararamadaman natin ang tunay na presensya ni Kristo. Ito ay ang katibayan ng malalim na pagibig ng Diyos para sa atin. Kaya napakahalaga na nakikibahagi tayo ng taimtim at may paggalang habang ipinagdiriwang ang Banal na Misa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020