Ebanghelyo: Juan 16:12-15
Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid niya kayo sa buong katotohanan.
Hindi siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig niya ang ipangungusap niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagninilay
Paanong uunawain ang misteryo ng Banal na Santatlo? Sa aming Komunidad, sinimulan namin ang PAGSASABUHAY ng SALITA. Napakadaling magsalita, mangaral at mangarap. Ngunit hangin ang lahat ng ito kung hindi maisasakatuparan. Sa aming WEEKLY DIALOGUE, nagbabahaginan kami kung paanong naging makatotohanan ang aming mga hangaring umunlad o magbagong-loob.
Ang misteryo at ang karanasan ang dalawang sangkap na hindi maaring mawala para sa isang makatotohanang pagbabagongbuhay. Hindi naman kami nagsipag- aral ng Teolohiya ngunit may isang aklat (Fire and Light ni William Thompson) na nagsusulong na ang tunay na Teolohiya (o pag-aaral tungkol sa Diyos) ay ginagawa ng mga nagdarasal at nagsasabuhay ng kanilang tinatanggap na liwanag sa pananalangin.
Tinatawag naming misteryo ang mga nangyayari sa aming buhay na hindi namin maunawaan o hindi namin matanggap. Pagsisikapan naming yakapin ang misteryong ito at kalaunan ay may nagaganap na pagtatagpo: ng tao at ng Diyos. Ang pagtatagpong ito ay naghahatid sa mas malalim na pagkilala sa sarili na nagbubunsod ng mas malalim ding pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Ang di-maunawaan ay gawing karanasan: Sa Unang Pagbasa, binigyang katauhan ang Karunungan. Parang anak na araw-araw ay naglalaro sa harapan ng ama, siya ang kaluguran ng ama. Ang kaluguran naman niya ay ang mga anak ng tao. (Kawikaan 8:30-31) Ipalagay mong bahagi ka ng eksenang nabanggit, di ba’t kaluguran ang ibubunga nito sa iyo? Ang malaya at mahiwagang daloy ng kaluguran ang makataong karanasan ng Banal na Santatlo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022