Ebanghelyo: Lucas 2:41-51
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jeru-salem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang.
Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya.
Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila.
Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.
Pagninilay
Hindi matatawaran ng kahit ano man ang pag-aaruga, pagkalinga at sakripisyo ng isang ina para sa kanyang anak. Maaaring hindi lahat ng ina ay ganito ngunit ang hindi maikakaila ay ang koneksyong namamagitan sa kanila, laging nandoon ang sinasabing lukso ng dugo. Ngunit ang pagiging ina ay hindi lamang nalilimita sa biyolohikong paliwanag at pamamaraan. Mayroong mga babae na walang sariling anak ngunit naging inang totoo sa hindi nila kadugo. Natatandaan ko ang isang kaibigan na nag-ampon ng isang sanggol na pinalaki niyang isang mabuting Kristiyano. Hindi niya itinago sa batang ito ang tunay niyang katauhan. Sa murang kaisipan ng bata kapag siya’y tatanungin kung saan siya nagmula, ang kanyang sagot ay “sa puso ni nanay”. Tulad ng ating inang si Maria, nakasalalay ang pagiging anak natin sa kanyang sa kalinis-linisang puso – ang basehan ng pinaka mataas na antas ng pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021