Ebanghelyo: Mateo 5:27-32
Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso. Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Sinabi rin namang: Kung may makikipagdiborsiyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid din ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada.
Pagninilay
Mahirap nga bang labanan ang tukso? Kapag natutukso, tama bang gawing dahilan na “Ako ay tao lamang?” Ang tukso ay naging parte na ng pamumuhay natin pero hindi ibig sabihin na hindi na natin ito maiiwasan o malalabanan. Maging si Jesus ay tinukso ng maraming beses. Alam niya ang mga pamamaraan ng demonyo, magaling ito sa mga kasinungalingan at ginagamit ang ating mga kahinaan. Pero si Jesus ay nagbigay sa atin ng magandang halimbawa. Pinakita niya sa atin na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos at pakikinig sa kanyang mga salita ay ang mga pamamamaraan upang hindi tayo mahulog sa bitag ng pagkakasala. Gumawa ang Diyos ng mga paraan para muli nating masilayan at matanggap ang kanyang awa sa pamamagitan ni Jesus sa mga sakramento. Nawa’y matuto tayong sumunod at makinig sa utos at aral ng Diyos upang maging matatag tayo sa panahon ng mga pagsubok.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020