Ebanghelyo: Mateo 5:17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalangbisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpa-walang-bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.
Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.
Pagninilay
Ang pagiging tapat ni Jesus sa mga turo ng Matandang Tipan ang naging dahilan ng pang uusig sa kanya. Sa mata ng mga lideres ay paglabag sa utos ang kanyang mga ginawa ngunit kung ating susuriin, ang mismong buhay ni Jesus ay umiikot sa dakilang utos ng Diyos- ang pag ibig sa Diyos at kapwa. Natuon ang pansin sa pagsunod sa batas ngunit naapektuhan naman nito ang kanilang relasyon sa kanilang kapwa. Ipinapaalala sa atin na balewala ang ating mga dasal at sakripisyo kung di naman natin nagagampanan ang ating tungkulin sa mga taong nangangailangan at hindi pinapansin ng lipunan. Hindi maaaring paghiwalayin ang ating esprituwalidad sa ating pakikitungo sa iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021