Ebanghelyo: Lc 2: 41-51
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa- Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.
Pagninilay
Maliit pa lang si Jesus, alam at ginagawa na Niya ang Kanyang misyon. Hindi man lubos na naunawaan nina Santa Maria at San Jose, makikita natin sa ibang bahagi ng Kasulatan kung paano nila ito nirespeto at sinunod bilang mga Kanyang mga magulang. Lahat tayo ay may kanyakanyang misyon. Mula pa sa sinapupunan, tinawag tayo ng Diyos para sumunod sa Kanya. Mahalaga ang “role” ng mga magulang na masdan ang landas na tinatahak ng kanilang mga anak at unawain kung saan sila tinatawag ng Diyos upang gabayan sila na masakatuparan ito. Katulad nina San Jose at Santa Maria, ang kanilang pagiging magulang kay Jesus ay isang tawag upang maging daan para magampanan ni Jesus ang Kanyang misyon sa mundo. Nawa’y maging mulat at bukas ang lahat ng mga magulang na sundin kung ano ang kalooban ng Diyos para sa kanilang mga anak. Nang sa gayon, makamit nila ang lubos na kaligayahan na nakukuha lamang sa pagsunod kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024