Ebanghelyo: Mateo 5:13-16
Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao.
Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawain at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Isa lamang ang layunin ng ilaw sa ating kapaligiran – magbigay liwanag sa kadiliman. Samakatuwid, magiging tapat lamang ito sa kanyang layunin kung mananatili itong nagniningas at nakikita ng lahat at hindi itinatago. Katulad din ng asin, kinakailangang maging tapat din ito sa kanyang identidad – magbigay ng lasa sa pagkain. Tayo ba ay tapat din sa ating identidad at misyon bilang mga kristiyano? Nawa ay araw araw nating dala-dala ang liwanag ni Kristo sa ating buhay nang sa gayon ay maibahagi ito sa ibang tao lalo na ang mga nasa kadiliman. Tayo ba ay nagbibigay ng “sarap” sa buhay ng ibang tao? Sana ay hindi kapaitan ang ating hatid sa kanila.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021