Ebanghelyo: Marcos 12:35-37
Sa pagtuturo ni Jesus sa Templo, sinabi niya: “Ano’t sinasabi ng mga guro ng Batas na anak ni David ang Mesiyas? Sinabi nga ni David nang kasihan siya ng Espiritu Santo: ‘Ang sabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Umupo sa aking kanan hanggang ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa.’ Kung tinatawag siya ni David mismo na Panginoon, puwede bang anak siya ni David?” Nasisiyahan ang bayan sa pakikinig sa kanya.
Pagninilay
Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasabi na ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas, ay mula sa lipi ni Haring David. Siya ang ipinangako ng Diyos na magdadala ng kaligtasan at magbibigay kaginhawaan sa ating lahat. Tanging ang tunay na Mesiyas lamang ang magtuturo at gagabay sa atin tungo sa kaganapan ng buhay. Siya ang magsisilbing daan at ilaw sa madilim nating buhay. Siya ang magbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan. Nawa’y higit pa nating mapalalim ang pagkilala natin kay Jesus. Nang sa gayon, matanto natin kung gaano kalaki at dakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020