Ebanghelyo: Marcos 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Pagninilay
Sa ebanghelyo pinaalala sa atin ngayon na iisa lamang ang ating Diyos at mahalin natin siya ng buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip at nang buong lakas. Ito ang una sa lahat ng mga batas na winika ni Jesus. At ang pangalawa ay mahalin natin ang ating kapwa kagaya ng pagmamahal natin sa ating sarili. Pinapaalala ng unang batas na iisang Diyos lamang ang dapat nating mahalin at paglingkuran ng buong katapatan, ang Ama na nasa langit. Ang Diyos na patuloy tayong minahal, minamahal at mamahalin. Ang pangalawang batas ay ang pagmamahal sa kapwa na nagpapahiwatag ng tamang pakikitungo sa iba. Na maging mabuti at mahalin natin ang ating kapwa kagaya ng ating pagmamahal sa sarili. Sa pamamagitan nito, maiiwasan natin ang mga bagay na makapag-hihiwalay sa ating ugnayan sa kapwa. Mahalagang isabuhay natin ang mga batas na ito sapagkat magpapatunay ito nang ating pagiging tunay na Kristiyano.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020