Ebanghelyo: Marcos 12:13-17
Gusto nilang hulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napadadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao kundi tunay na itinuturo ang daan ng Diyos. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?” Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namangha sa kanya.
Pagninilay
Lahat ay nagmula sa Diyos at siya lamang ang may natatanging kapangyarihan upang lumikha. Pinapaalala sa atin ni Jesus na tayo ay galing sa Ama. Sa lahat ng ginawa o nilikha ng Diyos, tanging ang tao lamang ang pinagkalooban ng grasyang makipagrelasyon o ugnayan sa kanya. Nais ng Diyos na kilalalanin natin siya bilang ating Ama, na siyang nagkakaloob ng ating mga pangangailangan. Ang sarap isiping may Diyos na handang tumulong sa atin. Di man natin siya nakikita o nakakausap ng personal, nariyan si Jesus at ang kanyang mga salita na nagpapakilala sa Diyos Ama. Nawa’y kilalanin natin sa buhay natin ang Ama, magbalik loob sa kanya at sumampalataya. Siya ang natatanging Diyos na lubhang nagmamahal sa ating lahat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020