Ebanghelyo: Juan 11:19-27 (o Lucas 10:38-42)
Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria para makiramay sa kanila sa kanilang kapatid.
Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Jesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Ngunit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sinabi naman sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa pagkabuhay sa huling araw.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang pagkabuhay (at ang buhay.) Mabubuhay ang nananalig sa akin kahit na mamatay siya. Hinding-hindi mamamatay kailanman ang bawat nabubuhay at nananalig sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?”
Sinabi niya sa kanya: “Opo, Panginoon. Nananalig nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumarating sa mundo.”
Pagninilay
Si Santa Marta ay may malalim na pananalig kay Jesus. Marahil, ang tumatak na imahe ni Santa Marta sa atin ay noong pagdalaw ni Jesus sa kanilang tahanan. Noong siya ay abala sa mga gawaing bahay samantalang si Maria ay nakikinig kay Jesus (Lukas 10:38-42). Ipinakita ng Ebanghelyong iyon na si Marta ay may pusong handang maglingkod. Sa tagpo sa Ebanghelyo ngayon, ipinapakita ang kaniyang pananampalataya na nawa ay ating matularan. Hindi siya direktang nagsabi na buhayin ang kaniyang kapatid na si Lazaro, sa halip, kaniyang winika: “…alam kong anuman ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.” Ang kaniyang pananalig ay may kalakip na pagtitiwala. Sa ating buhay panalangin, tayo ba ay kagaya ni Marta? Ang atin bang panalangin ay maraming “Sana”? O ito ay paniniwalang may kalakip na pagtitiwala sa kalooban ng Diyos?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021