Ebanghelyo: Juan 11:19-27 (o Lucas 10:38-42)
Marami sa mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria para makiramay sa kanila sa kanilang kapatid. Kaya pagkarinig ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito. Si Maria naman ay nakaupo sa bahay. At sinabi ni Marta kay Jesus: “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Ngunit kahit na ngayon, alam kong anuman ang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sinabi naman sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa pagkabuhay sa huling araw.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siyang pagkabuhay (at ang buhay.) Mabubuhay ang nananalig sa akin kahit na mamatay siya. Hinding-hindi mamamatay kailanman ang bawat nabubuhay at nananalig sa akin. Pinaniniwalaan mo ba ito?” Sinabi niya sa kanya: “Opo, Panginoon. Nananalig nga ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, na dumarating sa mundo.”
Pagninilay
Minsan nakita ko ang isang jeepney na may nakasulat sa bandang likod na; “Sipag at Tiyaga.” Tiyak na ang jeepney na yon ay bunga ng kasipagan at pagtitiyaga ng may ari. Dalawa itong katangian na kailangan din ng isang kristiyano upang maglingkod sa kapwa. Pero hindi kasipagan lamang, kundi kailangan din ang pagtitiwala sa Panginoon. Si Marta, ang kapatid nina Maria at Lazaro, ay ating pinararangalan ngayon bilang Santa ng Simbahan dahil sa kanyang kasipagan at pananampalataya. Noong dinalaw sila ni Jesus (Lc 10:38-42) naghanda siya at kumilos ng husto; naglingkod siya ng buong puso. Tayo rin ay maaaring maging busy sa madaming bagay, ngunit ang magandang katangian ay kumilos habang iniisip ang ganito: “ginagawa ko ito bilang paglilingkod sa aking kapwa”. Nang dinalaw ulit sila ni Jesus upang makiramay (Jn 11:19-27) ipinakita ni Marta ang kanyang tiwala at pananampalataya kay Jesus. Nawa’y atin laging tandaan na sipag, tiyaga, at tiwala ang ating kailangan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020