Ebanghelyo: Mateo 13:36-43
At pinaalis niya ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ay ang mga anghel. Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga eskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga.
Pagninilay
Ang katapusan ng mundo – o ang huling araw sa buhay ng isang tao – ay isang pagkakataon na hindi naman inaasahang dumating sa mga “tauhan ng demonyo”, dahil ipapatapon sila “sa nagliliyab na pugon”; it will be a terrible day! Ang ating Diyos ay may katarungan, at mahaba rin ang pasensiya dahil siya’y maawain. Gayahin natin ang pagsusumamo ni Jeremias sa unang pagbasa: “Yawe, inaamin namin ang kasamaan namin”; at ang kanyang tiwala sa Diyos: “sa iyo lamang kami umaasa” – wika ng Propeta. Nagbibigay liwanag din sa atin ang kasabihan “habang may buhay may pag-asang magbago.” Ang ating Diyos ay may katarungan, at tumutulong din sa mga taong nahihirapan. Ipasa natin sa Diyos ang lahat ng nakakapagpabagabag sa isip natin at dumilat tayo sa katotohanan tungkol sa araw na ito: it’s just a beautiful day!
© Copyright Pang Araw-Araw 2020