Ebanghelyo: Mateo 13:31-35
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki‘y mas malaki ito sa mga gulay, at parang isang puno – dumarating ang mga ibon ng langit at dumadapo sa mga sanga nito.” At sinabi ni Jesus ang iba pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.” Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.”
Pagninilay
Sa Bagong Tipan nababanggit ang salitang “Kaharian” (Basileia sa wikang Griego) ng isang raan at animnapu’t dalawang beses. Ang salitang “Simbahan” naman (Ekklesia sa wikang Griego) ay binabanggit ng dalawang beses lamang sa mga Ebanghelyo. Ayon sa mga iskolar hindi unang misyon ni Jesus ang pagtatalaga ng Simbahan kundi ang pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos. Mas malawak ang Kaharian kaysa sa Simbahan; pati ang mga sumusunod sa ibang relihiyon ay maaring mabilang dito kung magpapakita sila ng tunay na pag-ibig sa kapwa at magiging bukas sa kalooban ng Diyos. Ang Kaharian ng Diyos ay katulad ng isang buto ng mustasa o katulad ng lebadura; ang mga ito’y maliliit, mura lang, at hindi kapansin-pansin sa una, ngunit ito ay umuunlad at lumalago sa mundo. Sa pamamagitan ng mga munting gawaing may pagkakawanggawa, na kayang-kaya nating gawin, maaaring maipalaganap natin bilang Simbahan ang Kaharian ng Diyos sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020