Ebanghelyo: Mateo 13:44-52
Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid. Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas. Naihahambing din ang kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” At itinanong ni Jesus: “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” “Oo,” ang sagot nila. Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.”
Pagninilay
Sa tingin mo, ano ang kayamanang binanggit sa Ebanghelyo na kailangang ipagbili lahat upang angkinin? Saan kaya matatagpaun ang perlas na malaki ang halaga? SINO kaya ang tesoro at perlas? Si Jesus ang kayamanan at Siya din ang perlas. Ang pagkakilala sa kanya ang higit na mahalaga. Siya lang ang nagbibigay ng kasiyahan sa mga araw natin. Siya lang ang nagbibigay ng kahulugan at pag-asa sa mga pangyayari sa ating buhay. Ang taong naglalakbay na nakakita ng tesoro, at ang negosyanteng nakakita ng perlas na mahalagang mahalaga ay parehas gumawa ng paraan upang angkinin ang mga ito, sila ay nagsumikap, at nagpakita ng determination… alam nila na magiging sulit ang kanilang ginawang efforts. Ganyan din ang mga nabibilang sa Kaharian ng Diyos. Dapat magsumikap din at magkaroon ng determination. Maaaring itanong natin sa ating mga sarili: “ano ang talagang mahalaga sa buhay ko ngayon? Mahalaga ba sa akin ang paglilingkod sa Diyos at ang kanyang kalooban?”
© Copyright Pang Araw-Araw 2020