Ebanghelyo: Mt 20: 20-28
Lumapit noon kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis, ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
May mga taong handang gawin ang kahit anumang bagay, at isakripisyo ang kahit ano, makamtam lamang ang kasikatan (fame), katanyagan (popularity), kapangyarihan (power), o kayamanan (fortune / wealth). May mga iilan na dalisay ang layunin na makatulong lang sa kapwa o makatugon sa tawag ng pag-ibig at paglilingkod sa iba, ngunit mas higit na nakararami ay ang mga taong gumagawa ng kabutihan dahil sa personal na interes o agenda na ang unang makikinabang ay ang mismong sarili, o ang sariling pamilya, bago ang iba. Kapistahan ngayon ni Apostol Santiago at matutunghayan natin ang pagkatao hindi lamang ni Santiago (Jaime) at Juan, pati na rin ang kanilang ina. Ang pagsunod nila kay Jesus ay may bahid ng makasariling layunin. Kasama ng partisipasyon ng kanilang ina, nais nila na ang oras at kilos nila na ibinigay kay Jesus ay masuklian ng magandang posisyon sa Kaharian ng Diyos. Ang pakiusap na ito ay ikinagalit ng sampung alagad ni Jesus. Kahit sila ay naging mga santo sa paglipas ng panahon, sila rin ay may bahid ng kasalanan kagaya natin. Tulungan nawa tayo ng Diyos na kalimutan o tanggihan ang pansariling interes at ialay ang buhay para sa Diyos at sa ikabubuti ng iba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024