Ebanghelyo: Mateo 20:20-28
Lumapit kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pagninilay
Kapistahan ngayon ni apostol Jaime o James the Greater, kapatid ni Juan at anak ni Zebedeo. Iba siya kay James the Lesser, na itinuring na kamag-anak ni Jesus. Ang salitang greater at lesser ay walang kaugnayan sa pagiging dakila, kundi sa tanda o sa tangkad nila. Mainitin siguro ang ulo ng magkapatid na Jaime at Juan, kaya Boanerges ang naging palayaw nila, ibig sabihin nito ay anak ng kidlat (Mk 3,17). Isinama sila ni Jesus sa inner circle of disciples kaya naging saksi sila sa pagbabagonganyo ni Jesus sa Tabor (Mt 17,1-9). Si Jaime ang una sa mga apostol na naging martir dahil sa kanyang pananampalataya (Gawa 12:1-2). Ito ang kalis na iinumin nina Jaime na binabanggit ni Jesus sa Ebanghelyo: ang pag-aalay ng buhay para sa Kaharian. Sa kapistahan ni apostol Jaime, nawa ay matularan natin ang kanyang halimbawa: hindi niya sinayang ang tawag ni Jesus kundi naging tapat siya hanggang sa kamatayan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020