Ebanghelyo: Mt 13: 1-9
Nang araw ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. At sinabi ni Jesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!”
Pagninilay
Ayon kay San Juan Pablo II, “Walang anumang nangyayari na nagkataon lamang sa plano ng Diyos” (In God’s plan, nothing happens by choice – St. John Paul II). Ang ganitong pananaw sa buhay ay hindi kathang-isip lamang. Ito ay nakabatay pa sa Banal na Kasulatan. Sa aklat ni Propeta Jeremias 1:5 mababasa natin ang napakagandang salita ni Yahweh sa propeta, “Bago pa kita hinubog sa sinapupunan, kilala na kita; bago ka pa isinilang, ibinukod na kita, at hinirang na propeta sa mga bansa!” Ganito rin marahil ang sinasabi ng Diyos sa bawat mananampalataya at naniniwala na ang lahat ng pangyayari sa buhay ng tao sa mundong ito ay may kinalaman sa pag-ibig at plano ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang ating buhay ay itinakda Niya at Siya ay may magandang plano sa ating lahat. Hindi tayo bunga lamang ng pagkakataon, o ng aksidente lamang ng kalikasan, o ebolusyon ayon sa mga naturalista. Ang bawat buhay natin ay biyaya o kaloob ng Maykapal na dapat ipagpasalamat sa Diyos. Tungkulin natin na alamin ang tunay na layunin kung ano ang natatanging dahilan na tayo ay Kanyang nilikha. Sa Diyos lamang magkakaroon ng tunay na kahulugan, sapat na kahalagahan at kabuluhan ang ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024