Ebanghelyo: Mateo 13:18-23
Makinig kayo ngayon sa talinhaga ng maghahasik. Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan. Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng natitisod. Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ang salita. Ang buto namang nahasik sa matabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.
Pagninilay
Madalas nagtuturo si Jesus sa pamamagitan ng mga talinhaga, ngunit minsan lang siya magpaliwanag kung ano ang kahulugan ng mga ito. Ang naghahasik ay si Jesus mismo at ang binhi na ihinahasik ay ang Salita ng Diyos. Minsan nahuhulog ito sa tabi ng daan, sa mababatong lugar, sa may matitinik na damo, o sa mabuting lupa. Ano nga ba ang mga bato at tinik? Ito ay ang mga problema o mga kahilingan na nagpapapalayo sa ating Panginoon, ito ay ang mga pagganti, pangangalunya, sama ng loob, paninirang-puri, pagiging makasarili… lahat ng ito ay nagiging hadlang upang sumibol ang binhi ng Mabuting Balita. Napakarami ang bunga sa buhay ng taong naging mabuting lupa. Ngunit paano kaya magiging matabang lupa ang tao? Sila ay kinakailangang makinig sa Mabuting Balita at makaunawa. Abot kamay natin ang Bibliya. Ang Salita ng Diyos ay ating basahin at pagnilayan ng palagian.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020