Ebanghelyo: Mateo 13:10-17
Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad at nagtanong: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?” Sumagot si Jesus: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Langit, ngunit hindi sa kanila. Sapagkat ang meron ay bibigyan pa at sasagana pa siya. Ngunit ang wala ay aagawan pa ng nasa kanya na. Kaya nagsasalita ako sa kanila nang patalinhaga sapagkat tumitingin sila pero walang nakikita, nakaririnig sila pero hindi nakikinig o nakakaunawa. Sa kanila natutupad ang mga salita ni Propeta Isaias: “Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo nakakaunawa; tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo nakakakita. Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang mga tainga at walang nakikita ang kanilang mata. At baka makakita ang kanilang mata at makarinig ang kanilang tainga at makaunawa ang kanilang puso, upang bumalik sila at pagalingin ko sila.” Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig. Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.
Pagninilay
Maraming propeta at mabubuting tao noong panahon ng Matandang Tipan ang naghintay sa pagparito ng Mesiyas. Namatay sila nang hindi pa isinisilang sa mundo ang ating Tagapagligtas. Nang dumating ang Mesiyas sa takdang panahon, kakaunti lamang ang mga naniwala sa kanya. Matigas ang puso ng mga kababayan ni Jesus kaya hindi sila nakinig sa Mabuting Balita at hindi rin sila nagbagong buhay. Isang regalo ng Diyos ang kanyang Salita, ngunit kailangan ang mga efforts ng tao upang tanggapin, pagnilayan at alagaan ito upang mabuhay ayon sa Kanyang kalooban. Hindi tayo pipi. Hindi rin tayo bulag. Bakit kaya naging tulad din tayo ng mga kababayan ni Jesus na matigas ang ulo’t puso? Sila’y ayaw din na makita o makinig ng tungkol sa Magandang Balita. Sa iyong palagay, ano kaya ang pwede mong gawin ngayon para mabilang ka sa mga mapalad at sa mga kasapi ng Kaharian ng Langit?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020