Ebanghelyo: Mateo 13:1-9
Nang araw ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. at marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. at sinabi ni Jesus: “Lumabas na ang maghahasik para maghaasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon.
“Madaling tumubo ang mga buto dahil malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!”
Pagninilay
Ang isang magaling na maghahasik ay hindi pababayaang masayang ang mga binhi nito. Ang bawat binhi ay mahalaga. Ang Diyos ay para ring maghahasik sa Ebanghelyo, kahit na alam niyang maaari itong masayang, maaaring hindi tumubo, ang mga binhi ay hinayaan niyang mahulog sa iba’t ibang klaseng lupa. Ang pagmamahal ng Diyos sa atin ay ganito. Ibinibigay niya ang lahat. Nagbibigay Siya sa atin ng walang hanggang pagkakataon upang makapamuhay sa pagmamahal. Ang pagmamahal ng Diyos ay hindi natin minsan nakikita sapagkat tayo ay nagiging manhid sa mga paraan ng Diyos sa ating buhay. Sa ilang pagkakataon, ang pagmamahal na ito ay ating tinatanggap ngunit kapag dumating ang unos sa buhay, ito ay ating pinagdududahan. Ngunit sa pusong bukas at mapagkumbaba, ang pagmamahal ng Diyos ay maaaring umusbong at lumago sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021