Ebanghelyo: Mateo 12:46-50
Nagsasalita pa si Jesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makausap.” Sumagot si Jesus sa nagsabi sa kanya: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”
Pagninilay
Nang bata pa si Jesus sinabi niya kina Maria at Jose: “Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” (Lk 2,49). Sa kasalan sa Cana, sinabi ni Jesus kay Maria: “Huwag ninyo akong pangunahan, Ginang!” (Jn 2,4). Minsan din na parang inisip ng mga “kasam-bahay” ni Jesus na “nasisiraan siya ng bait!” (Mk 3,21). Ngayon naman malinaw na sinabi ni Jesus: “Sino ang aking ina?” Bakit kaya sa mga Ebanghelyo ay parang may “distance” si Jesus sa kaniyang ina at kapamilya? Iba’t iba ang mga paliwanag ng mga Iskolar tungkol sa tanong na ito. Mas mahalaga sa “blood relation” ni Jesus sa kaniyang Ina ay ang pananampalataya ni Maria. Si Maria ang unang alagad, siya ay isang babaeng puspos ng pananampalataya na nagsasagawa ng kalooban ng Ama. Nawa ay tularan natin si Maria sa kanyang pagiging alagad ng ating Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020