Ebanghelyo: Mateo 12:46-50
Nagsasalita pa si Jesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makausap.”
Sumagot si Jesus sa nagsabi sa kanya: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”
Pagninilay
“Family is Love” – ito ang naging titulo ng kantang ginamit ng ABS-CBN sa kanilang Christmas Station ID noong 2018. Simula noon, ang katagang Family is Love ay makikita na sa mga damit ng karamihan at maririnig tuwing Pasko. Ngunit ang “pamilya” ba na tinutukoy sa kanta ay ang ugnayan sa pagitan lamang ng kadugo? Tayong lahat ay kabilang sa Pamilya ng Diyos. Gaano ba natin ituring ang ibang tao? Sila ba ay tinitingnan lamang natin bilang “iba”? O bilang kapamilya? Ang mga tao sa kalsada, naghihikahos, mga kasama natin sa trabaho na hindi natin gaanong kinakausap, sila rin ay ating kapamilya. Nawa ay ituring natin sila na hindi iba ngunit nang may pagmamahal. Ayon nga sa kanta: “Wala mang katiyakan sa ating mundo, ang hindi magbabago… isang pamilya tayo”.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021