Ebanghelyo: Mateo 12:38-42
Sinabi noon ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.”Sumagot si Jesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao. Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagong buhay sila sa pangangaral ni Jonas, at dito‘y may mas dakila pa kay Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ng mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito‘y may mas dakila pa kay Solomon.
Pagninilay
Ang masama at di-tapat na lahi ay hahatulan. Sila ay masama at di-tapat dahil kasama nila ang Mesiyas ngunit ayaw magbagong- buhay. Masama at di-tapat dahil pumikit sila upang di makita ang mga tandang ginawa ni Jesus: ang bulag ay nakakakita, ang pilay ay nakakalakad at ang Mabuting Balita ay ipinapahayag sa mga dukha. Ang kanyang pag-aalay ng sarili sa krus, kamatayan at muling pagkabuhay sa ikatlong araw ay ang palatandaan na bukas na ang daan ng kaligtasan. Pahanon ngayon para dumilat tayo. Panahon ngayon para makita sa buhay natin ang mga tandang ginawa ni Jesus. Patuloy na ipinapakita ni Jesus ang pagibig niya sa atin sa mga magaganda at mahihirap din na pangyayari sa ating buhay. Nawa ang mga tanda niya ang maging inspirasyon sa atin para sumunod tayo kay Jesus lamang.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020