Ebanghelyo: Mateo 12:38-42
Sinabi noon ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Su-magot si Jesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao.
Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagong-buhay sila sa pangangaral ni Jonas, at dito’y may mas dakila pa kay Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ng mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.
Pagninilay
Noong Enero ng 2020 ginulantang ang lahat sa sunod-sunod na trahedya mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang bush fire sa Australia, salungatan laban sa US at Iran, pagsabog ng Bulkang Taal at Bulkang Popocatépetlat ng Mexico, lindol sa Turkey at ang Novel Corona Virus na sinasabing nagmula sa China. Paano ba natin binabasa ang mga ganitong pangyayari? Ito ba ay nakikita natin bilang kaparusahan ng Diyos sa mga tao? O nakikita natin bilang oportunidad ng espiritwal na paglago bilang komunidad? Minsan humihingi tayo ng tanda para sa mga malalaking desisyon sa ating buhay. Ngunit hindi tayo sensitibo sa mga pangyayari sa ating paligid. Nawa ang mga kaganapan sa ating paligid ay maging tanda ng ating pagkakataon para mas maging tapat sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021