Ebanghelyo: Mateo 13:24-43
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis. Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’ Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng kaaway.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.” Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki’y mas malaki ito sa mga gulay, at parang isang puno – dumarating ang mga ibon ng langit at dumadapo sa mga sanga nito.” At sinabi ni Jesus ang iba pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.” Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig. asok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ay ang mga anghel. Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga eskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!
Pagninilay
Ang butil ng trigo at ang binhi ng masasamang damo ay pinaghahalo at sabay sumisibol at lumalaki sa bukid. Ito ay sumisimbolo ng ating daigdig, ng ating komunidad, ng ating mga pamilya, at sabihin na rin natin, ng ating mga sarili. Kung ano ang mabuti sa atin, ito’y tanim galing sa Diyos; kung anong pagkukulang naman sa atin ay hindi naman galing sa Kanya. Maganda ang kaugalian ng magsasaka na tinotolerate ang masasamang damo at hindi agad ipinabubunot dahil alam niyang madadamay din ang mga trigo. Ang taong may tolerance ay hindi kunsintidor; ayaw niya sa maling ginagawa pero hinahayaan niya muna dahil may pasensya at nagtitiwala siya sa pagbabago sa bandang huli o sa tagumpay ng kabutihan. Ang pagibig lamang ang siyang makapagbabago sa mundo at sa taong makasalanan. Huwag na natin hintayin pa na magbago ang mga tao na nasa paligid natin upang sila’y ating tanggapin at paglingkuran.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020