Ebanghelyo: Lucas 10:38-42
Sa kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.”
Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”
Pagninilay
Sa loob ng isang linggo, mayroong isang araw na ibinigay ang Diyos para magpahinga. Naniniwala ako na mahalaga sa isang tao ang magkaroon ng sapat na pahinga. Malaking tulong ito para sa kanyang kalusugan. Kaya dapat natin itong bigyang halaga. Kahit kailan hindi mauubos ang mga gawaing bahay, maging ang mga alalahanin. Kahit kailan hindi matitigil ang isang tao para magtrabaho, kaya huwag nating pilitin sa isang araw na tapusin. May bukas pa. Ibang usapin naman iyong kinatatamaran mong gawin ang mga dapat mong gawin sa isang araw. Matatambakan ka ng gawain niyan. Kapag nangyari ito, kasunod na niyan ang pag-iinit ng ulo. At kapag napapagod na ang isang tao, gumagawa nga siya pero may kasabay na itong pagrereklamo.
Sa Ebanghelyo, ito ngayon ang nararanasan ni Marta. Siya ay nagsumbong kay Jesus dahil pagod na siya at pakiramdam niya ay ayaw siyang tulungan ni Maria. Mali ba si Marta? Hindi. Kaya lang, malaki ang nawawala sa kanya na hindi naman kailangan. Ang kailangan ni Jesus ay oras mula sa kanyang mga kaibigan. Ninais ni Jesus na pumasok sa kanilang tahanan upang makipagkuwentuhan. Isang pagkakataon na hinahangad ng marami na makasalamuha si Jesus. Pero hindi ito nakita ni Marta. Ipinaramdam pa niya na parang hindi “welcome” si Jesus dahil nagdulot ito para sa kanya ng pagkapagod.
Hindi naparito si Jesus para maging pabigat. Naparito siya para magbigay ng kapahingahan. Ilan nga ba sa atin ang gumagawa nga pero may kasabay namang reklamo? Ilan sa atin ang nagbibilang at nagkukumpara ng ating mga ginagawa sa iba? Magpahinga ka naman kahit sandali at makinig kay Jesus. Sandaling oras lang naman ang hinihingi niya sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022