Ebanghelyo: Mateo 12:14-21
Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila siya masisiraan. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamamalita.
Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya.
Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”
Pagninilay
Ano ba ng ating reaksyon sa paninira? Sa mga artista, nag-iisyu sila ng press release upang linisin ang pangalan. Sa mga magkakapitbahayan, chismis o pagsusumbong sa kapitan ng baranggay ang ginagawa. Sa mga kabataan ngayon, sila ay nagpapahayag ng rants sa kanilang mga social media accounts. Sa halip na maghiganti, tularan natin si Jesus. Gumawa ng mabuti sa kapwa. Isabuhay natin ang panawagan ni Pope Francis: “Let us ask the Lord for the grace not to speak badly of others, not to gossip, but rather to love everyone.” Sa pamamagitan nito, matitigil ang siklo ng paninira at magsisimula ang siklo ng pagmamahalan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021