Ebanghelyo: Mateo 12:14-21
Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila siya masisiraan. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamamalita.
Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya.
Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”
Pagninilay
Naranasan mo na bang ma“reject” o matanggihan? Ayaw na nga sa’yo, siniraan ka pa? Sa panahon ngayon, napakadaling mang“bash” kapag hindi ka nagustuhan ng mga tao. Si Jesus ay naranasan din ang mga ito. Kung kaya’t nauunawaan niya ang nararamdaman natin sa tuwing tayo ay tinatanggihan ng iba. Pero ang maganda sa Ebanghelyo, itinuturo sa atin mismo ni Jesus kung ano ang dapat nating gawin. Sa halimbawang kanyang ipinakita, dahil nalaman niyang ayaw sa kanya ng mga Pariseo, at nagbabalak pa sila kung paano siya sisiraan, umalis na lang siya at iniwan ang mga ito. Pumunta si Jesus sa mga taong handang tumanggap sa kanya. Ito ang kanyang tinulungan. Sinasabi marahil sa atin na hindi nakasalalay sa pagtanggap ng ibang tao ang iyong halaga. Huwag nating pagaksayahan ng oras at panahon ang mga taong walang ibang alam gawin kundi ang manira sa kanilang kapwa. Marahil, hindi lang nila matanggap na mas magaling ka o kaya naman mas nagtatagumpay ka sa buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022