Ebanghelyo: Mateo 12:1-8
Naglakad noon si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!”
Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari.
At hindi ba ninyo nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan ninyong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang walang-sala. At isa pa’y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
“Malas ang Friday the Thirteenth.” “Kapag nakasalubong ng pusang itim, huwag na tumuloy sa pupuntahan.” “Huwag matulog nang basa ang buhok, nakakabaliw.” Ilan lamang ito sa mga pamahiin na kinaugalian nating mga Pilipino. Kadalasan, sinasabi nating “wala namang mawawala kung ito ay susundin.” Sa ating Simbahan, napakarami ring mga tradisyon ang atin nang nakasanayan. Minsan, ginagawa na lamang natin ito sapagkat nasanay na, o dahil “wala namang mawawala”. Sa ating pagsunod sa mga tradisyon, tanungin natin ang ating sarili kung ito ba ay nakakapagbigay-buhay pa sa atin? O sadyang ito ay ritwal na lamang? Ito ba ay nakatutulong pa sa pagyabong ng ating pagkatao at pagpapatibay ng relasyon sa Diyos? O ito’y bulag na pagsunod na lamang? Tayong lahat ay tinawag upang buhayin ang bulag nating pananampalataya. Sundin ang tradisyon ngunit huwag kalimutan na kaya natin ito ginagawa ay para mapatibay ang pananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021