Ebanghelyo: Mateo 11:28-30
Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.
Pagninilay
Pamatok ni Jesus ang kanyang mga salita na gumagabay tungo sa kaliwanagan. Ang pamatok na ito ay katulad ng pamatok ng kalabaw: hindi ito makinis at wala ring barnis, ngunit hindi rin marupok at kayang kayang pasanin ng hayop sa maghapon habang nag-aararo ang magsasaka. Kayang-kaya rin natin pasanin ang pamatok ni Jesus simula sa pagkagising hanggang sa pumikit ang mata bago matulog. Kay Jesus, ang ating mabuting pastol, makakatagpo tayo ng ginhawa. Dinadasal natin sa Salmo 23: “ang Panginoon ang aking pastol; hindi ako mangangailangan. Kanyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan; pinapatnubayan niya ako sa mga landas ng katuwiran.” (Salmo 23, 1-3). Ano ang mabigat na pasanin mo ngayon? I-surrender sa Diyos ang pasanin na ito at makinig sa kanyang Salita na nagbibigay ng ginhawa at gumabagay sa landas ng katuwiran.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020