Ebanghelyo: Mateo 11:28-30
Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay
Ang mountain climbing ay naging interes ng karamihan sa mga nakaraang dekada. Maraming kabataan ang nawiwili sa pag-akyat ng bundok. Tila madali ang pag-akyat lalo na at kung magaan lamang ang ating dala. “Travel light” ika nga. Ang bawat bagay na bitbitin ay mahalaga. Dahil habang tumatagal ang ating pagdadala, mas lalo itong bumibigat. Ang paraan upang dumali ang dalahin ay kung tayo ay may katuwang sa paglalakbay. Sa ating buhay, napakarami nating dalahin – pangamba, pagdududa at takot. Tila minsan ito na ang nagdidikta ng ating desisyon, emosyon at buhay. Minsan ay naipapasa natin ito sa ating kapwa. Sila ang nagdurusa dahil sa ating mga dalahin. Sa ating buhay panalangin, maging si Jesus nawa ang katuwang natin sa ating paglalakbay. Kasama si Jesus, ang ating mga dalahin ay gagaan. Paghilom, malasakit at pagmamahal ang maibabahagi natin sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021