Ebanghelyo: Mateo 11:28-30
“Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay
May paanyaya si Jesus sa atin ngayon. Para sa lahat ng nahihirapan sa buhay at sa mga may pinapasang suliranin o maging responsibilidad, tayo ay lumapit sa Kanya at PAGPAPAHINGAHIN ka Niya. Isang malinaw na paanyaya ni Jesus. Isang paraan din ito marahil para lubos nating maunawaan na hindi tayo lumalapit kay Jesus para lang mawala na ang mga problema natin o mga mabibigat na dalahin. Madalas pakiramdam natin na hindi tayo pinapakinggan ng Diyos. Madalas din parang nadidisappoint tayo dahil iba ang tugon ng Diyos sa ating inaasahan. Pero, baka pwede nating mas pagnilayan na baka ang kailangan lang talaga natin ay PAHINGA. Ang taong kulang sa pahinga, hindi nakakapag-isip ng tama. Ang taong kulang sa pahinga, puro reklamo ang isusumbong sa Diyos sa tuwing siya ay magdarasal. Nakakalimutan na tuloy nating pahalagahan ang mga biyaya na mayroon tayo. Pahinga ka muna sa mga inaaalala mo. Pahinga ka sa mga problema. Pahinga ka sa trabaho. Magpahinga ka dahil para sa Diyos deserve mo ang magpahinga.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022