Ebanghelyo: Mateo 11:25-27
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo.
Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.
Pagninilay
Mayroong isang kultura ang mga Asyano na sadyang natatangi: ang magtanggal ng sapin sa paa bago pumasok sa kahit kaninong bahay. Ito ay ginagawa natin upang mapanatiling malinis ang loob ng bahay at hindi madumihan ng mga bagay na nanggaling sa labas. Noong tinawag si Moises, tinanggal niya ang kaniyang sandalyas upang tumapak sa banal na lupa. Ang mga sandalyas noong panahon ni Moises ay gawa sa mga patay na hayop. Sa ating buhay kabanalan, marahil ay kailangan muna nating bitawan ang mga “patay” sa atin upang makapasok ang panibagong buhay na ibinibigay sa atin ng Diyos. Ano ba ang dapat nating tanggalin para sa bagong buhay? Galit? Poot? Sakit? Kasakiman? Ngayon, inaanyayahan tayong bitawan ito upang pakabanalin ang ating pinagpanibagong buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021